Wednesday, June 27, 2012

KARUNUNGAN

Sa makabagong panahon
makikita mo ang komplikadong kahapon.
Dala-dala ang mga problema
na dulot ng sobrang simbolo at teknolohiya.

Ayon nga kang Noam Chomsky, ang teknolohiya
ay walang kinikilingan, kagaya ito ng martilyo
na pwede mong ipukpok sa iyong ulo
o pumatay ng ibang tao.

Inaakit sa telebisyon, bangko at simbahan
upang ang mga tao ay magiging bulag hanggang sa kamatayan. Nakapaskil ang mga walang kwentang “mensahe” kahit saan ka patungo, wala kang ligtas sa mga namumuno.

Ang tanging kanilang hangad ay sundin mo ang otoridad, nang ikaw ay mabaon sa buhay na hindi mo talaga hinangad. Alipin ng bandila, alipin ng siyensya, alipin ng simbahan, alipin ng telebisyon, alipin ng mga hindi makatarungang institusyon.

Nabanggit nga ni Mikhael Bakunin sa kanyang mga sulat “ang mga taong pumupunta sa simbahan
ay para sa pare-parehong kadahilanan”.
Hanggat may isang panginoon sa langit, tayo ay mananatiling alipin at ang ating kalayaan ay patuloy na ipagkakait .

Ika nga ni George Orwell, sa panahon ng panlilinlang, ang katotohanan ay nagiging isang rebolusyonaryong pagkilos na pwedeng isalba ang mga inosenteng nilalang.

Dapat na maging matauhan sa kasaysayan at sa kasalukuyan at dapat na malaman ang ating karapatan.Karapatan natin na malaman ang katutuhanan at matuto, karapatan natin na mabuhay at gawin ang ating gusto.

Na walang nagdidikta at walang umaapi sa kapwa,
na walang humahawak sa ating oras at walang sinusunod na batas, na walang kinakatatakutang diyos at walang mapang-aping nag-uutos.

No comments:

Post a Comment